Ika-30 Anibersaryo ng Minsa’y Isang Gamu-gamo

Ipagdiriwang ng International Circle of Online Noranians, sa pakikipagtulungan ng Cultural Center of the Philippines, ang ika-30 anibersaryo ng pelikulang Minsa’y Isang Gamu-Gamo, obra ni Lupita A. Concio. Kaugnay ng pagdiriwang, itatanghal ang pelikula sa CCP Dream Theater sa ika-17 ng Disyembre (Linggo), 3:00 pm. [UPDATE: The screening has been moved to 2007.]

Isa sa mga pelikulang tunay na Filipino sa diwa at nilalaman, matapang itong nanindigan laban sa mga base militar ng Estados Unidos sa bansa. Bagama’t tatlumpung taon na ngayon, nananatiling buhay ang makabayang mensahe nito.

Nagbigay-pugay sa pelikula ang Feminist Centennial Film Festival noong Nobyembre 2005 dahil sa apat na babaeng may pangunahing papel sa paglikha nito: si Lupita Concio, ang direktor; si Digna Santiago, ang executive producer; si Marina Feleo-Gonzales, ang sumulat; at si Nora Aunor, ang bidang aktres.

Humakot ito ng major awards sa FAMAS para sa taong 1976, kabilang ang best picture, best director, best screenplay, best story, at best editing (Edgardo Vinarao). Sa 1976 Filipino Film Festival, nagwagi ito sa kategorya ng best story at best editing. Mula sa mga Manunuri ng Pelikulang Pilipino, umani ito ng mga nominasyon para sa pinakamahusay na pelikula, direksiyon, dulang pampelikula, at pangalawang aktor (Paquito Salcedo).

Unang ipinalabas ang pelikula noong Disyembre 25, 1976, bilang bahagi ng Ikalawang Pista ng Pelikula Pilipino. Naging paborito itong itanghal sa mga pambansang pagdiriwang tulad ng Philippine Centennial Film Festival (1998) at Sangandaan Fil-Am Film Festival (2003). Itinampok ito bilang opening film sa Bay Area Asian-American Film Festival noong 1985. Ipinalabas din sa Lincoln Center (New York) noong 1998 bilang bahagi ng Filipino Film Retrospective at sa Guggenheim Museum noong 1999

Kasama sa mga gumanap sa pelikula sina Jay Ilagan, Gloria Sevilla, Perla Bautista, Eddie Villamayor, Lily Miraflor, Leo Martinez, Nanding Fernandez, Luz Fernandez, German Moreno, Carlos Padilla, Jr., Michael Sandico, at Ricky Sandico.